AFP handang gamitin ang available resources upang tulungan ang COMELEC na masiguro ang maayos at mapayapang eleksyon ngayong 2016

by Radyo La Verdad | May 3, 2016 (Tuesday) | 1825

CAPT-FRANK-SAYSON
Bilang isa sa mga deputized agency ng Commission on Elections o COMELEC, ngayong araw inilunsad ng Armed Forces of the Philippines ang kauna-unahan nitong National Election Monitoring Center o NEMC na operational na 24 oras.

Sa pitong unified commands ng AFP sa buong bansa, konektado ito upang mabilis ang pagproseso ng impormasyong may kinalaman sa seguridad bago, habang halalan at hanggang matapos ang canvassing process.

Equip ang AFP national elections monitoring center ng satellite at internet connectivity.

Bukod sa mapa ng mga lugar na nasa election watch, iba’t ibang monitoring boards din ang nasa loob ng NEMC tulad ng bilang ng mga tauhan ng militar na nakadeploy, status ng automated election system equipment, bilang ng election related incidents kada probinsya at iba pa.

Konektado ito sa pitong unified commands ng AFP sa buong bansa at magkakaroon din ng madalas na video teleconferencing para sa mabilisang pagproseso ng impormasyon na nangangailangan agad ng karampatang aksyon ng militar.

Tiniyak din ng AFP na wala itong overlapping sa election monitoring center ng Philippine National Police dahil nakasentro ito sa pagmomonitor ng seguridad sa mga liblib na lugar sa bansa.

Sa pamamagitan ng election monitoring center, makapagsasagawa agad ng karampatang aksyon ang militar sakaling makatanggap ng mga election-related incidents ganun din ang internal security concerns sa iba’t ibang lugar sa bansa.

Muling namang binigyang-katiyakan ng AFP ang kahandaan nitong gamitin ang available resources upang suportahan ang COMELEC sa pagtitiyak ng maayos at mapayapang halalan ngayong 2016.

Sa ngayon, nasa validation process pa ang AFP sa hinihinging tulong ng COMELEC na makapagdeliver ng vote counting machine sa mga liblib na lugar sa Palawan tulad ng Pag-asa Island.

(Rosalie Coz/UNTV NEWS)

Tags: , ,