Brigade commander ng Reactionary Standby Support Force ng PNP, pinalitan

by Radyo La Verdad | May 3, 2016 (Tuesday) | 3007

PCSupt.-Ronald-dela-Rosa
Muling nagsagawa ng accounting ng personnel ang Philippine National Police sa national headquarters ng Kampo Crame.

Nasa 3, 217 na mga tauhan na magsisilbing Reactionary Standby Support Force para sa halalan; ide-deploy sila sa mga lugar na kailangan ng augmentation force.

Kapansin-pansin namang bago ang brigade commander ng RSSF.

Kung kahapon ay si PCSupt. Ronald dela Rosa ngayon ay pinalitan na ito ni PCSupt. Francis Elmo Sarona.

Ito’y matapos na makita sa mga facebook account ni Dela Rosa ang kaugnayan kay presidential candidate Rodrigo Duterte tulad na lamang ng banta nito sa mga magtatangkang mandaya sa halalan, kung saan naka tagged pa ang chief of staff ni Digong na si Christopher Bong Go.

May post rin ito tungkol sa kung sino ang pipiliin ng mga pilipino sa pagitan ni Batman at ni Emilio Aguinaldo.

Si Emilio Aguinaldo ang binabanggit ni Mayor Duterte sa huling presidential debate na nagpopondo sa kanyang kandidatura, samantalang kay Batman naman kumuha ng quote si Mar Roxas.

Maging ang malaking tulong ni Mayor Duterte sa career ni Dela Rosa ay ipinagmalaki din nito sa kanyang fb account.

Gayunman, itinanggi ng PNP na ito ang dahilan kung bakit inalis si Dela Rosa bilang brigade commander.

Ayon kay PNP Deputy Chief for Operations PDDG Danilo Constantino, itinalaga si Dela Rosa na pamunuan ang orientation ng mga tauhan ng NHQ para sa kanilang election duties.

Samantala, bilang bahagi ng election preparations ng PNP inihahanda na rin ang National Elections Monitoring Action Center o NEMAC sa loob ng kampo.

Sinimulan na rin ang training ng may 233 I.T. personnel ng PNP mula sa 81 provinces at 21 cities sa bansa.

Partikular na pinag-aralan ng mga ito ang web mapping dahil gagamit ang PNP ng quantom geographical information system sa monitoring ng 36,788 polling centers nationwide.

(Lea Ylagan/UNTV NEWS)

Tags: ,