24,000 relief goods, ipinamahagi ng DSWD sa mga evacuees sa Albay

by Radyo La Verdad | March 1, 2018 (Thursday) | 34581

Dumating na sa Albay ang 21 truck  ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na puno ng relief goods. Kaagad nagtungo ang mga ito sa mga evacuation centers sa walong bayan na apektado ng pag-aalboroto ng Bulkang Mayon.

Ang mga ito ay ang Guinobatan, Camalig, Daraga, Malilipot, Sto. Domingo, Tabaco City, Ligao City at Tabaco City. Aabot sa 24,000 relief packs ang dala ng hatid tulong Mayon caravan ng DSWD.

Bawat relief packs ay nagkakahalaga ng P402. Naglalaman ito ng anim na kilong bigas , ilang de lata gaya ng corned beef at sardinas at mayroon ding ilang balot ng kape.

Una rito ay namahagi na rin ng halos kapareho ring laman ng relief goods ang (Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at ilang local government officials sa Metro Manila kahapon.

Samantala, pinabulaanan naman ng opisyal ng Brgy. Lidong sa Sto. Domingo, Albay ang napabalita na diumano ay may natanggap silang sirang relief goods.

Paalala ng DSWD, kung sakaling makakakuha o makakatanggap man ng mga sirang relief goods ang mga evacuees, agad itong ipaalam sa kanilang tanggapan.

 

( Allan Manansala / UNTV Correspondent )

Tags: , ,