Sandiganbayan, beberipikahin muna ang pagkamatay ni dating Chief Justice Renato Corona bago idismiss ang mga kaso laban sa kanya

by Radyo La Verdad | May 3, 2016 (Tuesday) | 4442

SANDIGANBAYAN
Kailangan munang mag-beripika ng Sandiganbayan tungkol sa pagkamatay ni dating Chief Justice Renato Corona bago nito ipag-utos ang dismissal ng kanyang mga kaso.

Nito lamang Biyernes ng madaling araw pumanaw ang 67 taong gulang na dating Chief Justice sa The Medical City sa Pasig dahil sa atake sa puso.

Ayon sa Clerk of Court ng 3rd Division na humahawak sa mga kaso ni Corona na perjury at violation ng Republic Act 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officers and Employees, bagaman balitang-balita na ang pagpanaw ni Corona, kailangan pa rin ito sumailalim sa proseso ng korte.

Ayon naman sa abogado ng dating Chief Justice na si Atty. Reodi Anthony Balisi, hinahanda na ng pamilya ang ipapasang manifestation sa korte.

Maliban sa purgery at violation ng RA 6713 dahil sa misdeclaration ng SALN ni Corona mula 2001 hanggang 2011, nahaharap din ang dating Chief Justice sa 130 million civil forfeiture case sa 2nd Division kung saan kasama niyang akusado ang kanyang maybahay.

Sa 130 million na umanoy iligal na yaman, 15 thousand pesos palang at pitong ari-arian ng magasawang Corona ang na-garnish ng Sandiganbayan.

Maliban dito, nahaharap din ang magasawa sa mga kaso ng tax evasion sa Court of Tax Appeals.

Maaalalang naimpeach si Corona bilang Chief Justice ng bansa taong 2012 dahil sa hindi pagdedeklara ng tamang yaman at mga ari-arian sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Networth o SALN.

(Joyce Balancio/UNTV NEWS)

Tags: ,