Kumpiyansa ang pamunuan ng pambansang pulisya na magiging matiwasay ang idaraos na eleksyon sa darating na Lunes Mayo a nuebe.
Ayon kay PNP PIO Chief PCSupt. Wilben Mayor, matagal na nilang nailatag ang security set up para sa eleksyon.
Kabilang dito ang tuloy-tuloy na pagmo-monitor sa presensya ng mga threat group sa Southern part ng bansa gaya ng New People’s Army, Abu Sayaff at Bangsamoro Islamic Freedon Fighters na maaaring magsagawa ng pananabotahe sa halalan.
Tiniyak naman ng opisyal na hanggang ngayon ay wala pa silang natatanggap na ano mang banta lalo na rito sa Metro Manila.
Tiwala naman ang Malacanang sa hakbang ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police na pigilan ang sinumang indibidwal at alinmang grupo na maghahasik ng kaguluhan sa darating na halalan.
Paliwanag pa ni Mayor ang pagdedeklara nila ng full alert noong Sabado ay bahagi ng kanilang paghahanda para sa gagawing pagboto ng mga Pilipino ng mga bagong lider ng bansa.
Tatagal ang full alert status ng isang buwan subalit muli nilang ia-assess ang sitwasyon bago muling magbaba ng alerto ng pambansang pulisya.
(Lea Ylagan/UNTV NEWS)