Mga ninakaw na impormasyon mula sa COMELEC website, ginamit na sa identity theft ng ilang kriminal ayon sa PNP

by Radyo La Verdad | May 3, 2016 (Tuesday) | 1610

PNP-Anti-Cybercrime-Group-Director-PSSupt.-Guillermo-Eleazar
Nagsimula nang gamitin ng mga kriminal ang mga nakuhang impormasyon sa na hack na website ng Commission on Elections.

Ito ang nadiskubre ng Philippine National Police Anti Cybercrime Group kasunod ng pagkakaaresto ng isang suspek sa kasong identity theft.

Ayon kay PNP Anti Cybercrime Group Director PSSupt. Guillermo Eleazar, tumawag sa kanila ang isang bangko matapos na makatanggap ng request mula sa nagpakilalang kliyente na pinapapalitan ang mga personal information dahil sa umano’y nawawala ang kanyang credit card.

Agad namang nagduda ang bangko sa ipinagagawa ng nagpakilalang kliyente kayat humingi ito ng tulong sa ACG.
Isinailalim sa imbestigasyon ang suspek na si Joseph Nicol Tan Ong.

At nang makakita ng pruweba ay nagsagawa na ng entrapment operation.

Mahuli ang suspek sa labas ng bahay ng tunay na may ari ng credit card habang naghihintay ng delivery ng pinalitang credit card.

Nagpakita pa ang suspek ng mga ID upang patunayan na sa kanya talaga ang naturang account ngunit nahalata rin ng mga pulis na peke ang mga ito.

Kabilang kasi sa nalantad sa na hacked na COMELEC website ay pangalan, kumpletong address, birthday, gender, civil status at iba pa.

Muli namang nagpaalala ang PNP- Anti Cybercrime Group sa publiko na maglagay ng strong email passwords at lagi itong palitan.

Iwasan din ang magbukas ng mga mensahe sa email mula sa hindi kakilalang sender at maging ang pagbibigay ng impormasyon sa mga online purchases at online transactions.

Hinikayat din ng PNP ang mga bangko na agad na makipag-ugnayan sa ACG sakaling may mga kahinahinalang transaksyon o pagpapalit ng mga impormasyon na itinatawag sa kanila.

Ang suspek na si Ong na kasalukuyang nakakulong sa ACG detention cell ay nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 8484 o Access Device Regulations Act of 1998, R.A. 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012 at Article 173 ng revised penal code for falsification of documents.

(Lea Ylagan/UNTV NEWS)

Tags: ,