Umano’y kwestyunableng bank account ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte, bigong mabuksan

by Radyo La Verdad | May 3, 2016 (Tuesday) | 2170

BPI-JULIA-VARGAS
Hindi natuloy ang pagbubukas ng bank account ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte sa BPI Julia Vargas Avenue Branch kahapon kahit binigyan niya ng special power of attorney ang kaniyang abugado.

Bunsod ito ng paghingi ng dagdag na panahon ng mga bank officials upang pag-aralan ang request.

Una nang inakusahan ni Sen. Antonio Trillanes si Duterte na hindi nito inilagay sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth o SALN ang umano’y tagong yaman nito.

Kabilang dito ang 211 million pesos na dineposito umano sa BPI joint account ng alkalde at anak nitong si Sara noong 2014.

Ayon kay Atty. Salvador Panelo, humiling ng pitong araw ang BPI upang pag-aralan ang request ng kampo ni Duterte na mag-issue ng bank certification upang patunayang walang 211 million pesos na naka-deposito sa bank account ng alkalde.

Ayon kay Atty. Panelo, inamin sa kaniya ng BPI na hindi sa bangko galing ang dokumentong ipinapakita ni Sen. Trillanes sa media kaugnay ng umano’y milyon-milyong halaga ng pondo sa joint bank account ng mag-amang Duterte.

At sa affidavit din umano mismo ni Trillanes, hindi rin tiyak kung kanino galing ang impormasyong binunyag ni Trillanes kaugnay ng halaga ng mga salaping dineposito sa bank account ni Duterte.

Ayon sa abugado 17,666 pesos ang kasalukuyang laman ng account ni Duterte sa BPI Julia Vargas Branch, isa itong bank account na hindi nagkaroon ng maraming transaksiyon at ngayon ay dormant account na.

Pahayag naman ni Trillanes, sa nangyari kahapon.

“Nagsabi siya na pagka daw gumawa ako ng affidavit na sinabi ko kung sino, saan, kelan, paano ko nakuha yung mga dokumento ay magbibigay siya ng waiver para buksan niya ang lahat at makita natin ang transaction history ng acct niya. Nagbigay po ako ng affidavit. Ganun pa man, hindi sila nagbigay at ang nirequest lang nila sa bangko at acct balances na alam naman natin wala tayo makikita doon kasi kung nagwithdraw sila bago nila hiningi yun maliit lang ang lalabas dun.” Pahayag ni Trillanes

Ayon naman kay Atty. Sal Panelo, pinag-aaralan na nila ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban kay Senador Trillanes pagkatapos ng election period dahil umano sa mga akusasyon nito.

(Rosalie Coz/UNTV NEWS)

Tags: , ,