Convoy ni La Union Congressman Eufranio Eriguel, pinasabugan; apat, sugatan

by Radyo La Verdad | May 2, 2016 (Monday) | 2071

TOTO_PINASABUGAN
Nagpapagaling na sa ospital ang mga biktima ng pagpapasabog sa convoy ni La Union 2nd District Representative Eufranio Eriguel.

Sa ulat ng La Union Police, apat ang nasugatan sa nangyaring pagsabog noong Sabado ng umaga sa Brgy. Sta. Barbara, Agoo sa La Union.

Limampung metro lamang ang layo nito sa bahay ng kongresista na noo’y patungo sa isang campaign sortie.

Agad isinugod sa ospital ang mga sugatan na sina SPO2 Jack Baguan ng Sto. Tomas Police, Samuel Ofianza, Retired Police Antonio Casem at driver na si Diovanne Cacayuran.

Hindi naman nasaktan si Congressman Eriguel na ngayon ay nasa isang ligtas at undisclosed location.

Sa ngayon ay iniimbestigahan na ng pulisya ang ginamit na pampasabog batay sa na-recover na mga ebidensiya sa pinangyarihan ng insidente.

Inaalam na rin kung sino ang nasa likod at ano ang posibleng motibo sa pagpapasabog.

Si Congressman Eriguel ay walang tinatakbuhang posisyon ngayong eleksiyon ngunit ang kanyang asawa ay kumakandidato sa pagka-kongresista habang sa pagka-alkalde naman ang kanyang anak.

(Toto Fabros / UNTV Correspondent)

Tags: , , ,