2 pulis nagkabarilan sa Pasay City, 1 kritikal, 1 sugatan

by Radyo La Verdad | May 2, 2016 (Monday) | 1163

BARILAN
Nagkalat ang mga basyo ng bala ng baril sa FB Harizon Street Corner David Street Pasay City nang magkabarilan ang mga Police Pasay na nakaduty sa lugar at isang pulis na naka-assign sa Laguna pasado alas onse kagabi.

Ayon sa nakakita sa pangyayari, tatlong pulis Pasay ang rumesponde sa nangyaring aksidente sa lugar para mamagitan.

Habang nag-uusap sa barangay outpost ang mga pulis at mga sangkot sa aksidente bigla umanong pumasok at nakialam ang nakasibilyang pulis Laguna na kinilalang si PO1 Christopher Lakap na tila nasa ilalim ng impluwensya ng alak.

Kritikal sa San Juan De Dios Hospital ang binaril na pulis na kinilalang si PO1 Eduardo Lomboy Jr. na nakaassign sa Buendia Police Community Precint matapos magtamo ng tama ng bala sa leeg at sa katawan.

Nakatakas si Lakap at nagtago sa bahay ng kanyang tiyuhin di kalayuan sa crime scene pero naaresto siya ng mga miyembro ng SWAT.

Dinala sa Pasay General Hospital si Lakap na nagtamo naman ng tama ng bala sa hita at siko.

Nadamay din sa barilan ang ilang sasakyan na nakaparada sa lugar.

Samantala napag-alamang fiesta sa lugar kung saan din nakatira ang suspek at galing sa inuman si PO1 Lakap bago mangyari ang pamamaril.

Ayon sa mga residente ng barangay kilala ang suspek na naghahanap ng away kapag nalalasing.

(Benedict Galazan/UNTV NEWS)