Biktima ng vehicular accident sa Quezon City, tinulungan ng UNTV NEWS and Rescue Team

by Radyo La Verdad | May 3, 2016 (Tuesday) | 1214

TMBB-QUEZON-CITY
Nakahandusay at walang malay ng datnan ng UNTV News and Rescue Team ang dalawang biktima sa isang vehicular accident na kinabibilangan ng motorsiklo at auv sa bahagi ng Quirino Highway Barangay Sangandaan sa Quezon City bandang alas dose kuarentay singko madaling araw kahapon.

Nakilala ang mga biktima na 19 anyos na sina Aldrin John Precto at Kim Villotoca na pawang sakay ng motorsiklo.

Agad tiningnan ng UNTV News and Rescue Team ang kalagayan ni Villotoca habang tinulungan naman ng Metro Care Rescue si Precto.

Agad binigyan ng pang-unang lunas ng mga rescue team ang mga sugat ng biktima na nagtamo ng mga gasgas sa iba’t ibang bahagi ng katawan at posibleng bali sa paa.

Pagkatapos malapatan ng first aid ay agad nang isinugod ng UNTV News and Rescue Team si Villotoca sa MCU Hospital.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Quezon City Police District Traffic Sector -6 habang magkasunod na binabaybay ng mga sasakyan ang Quirino Highway nang sinubukang mag-overtake ng motorsiklo sa auv, ngunit biglang lumiko pakaliwa ang auv at bumangga ang motor sa kanang harapan ng sasakyan.

Dinala naman sa Traffic Sector-6 ang driver ng auv na si Janet Fernandez, 48 anyos na tumanggi nang magsalita at sasagutin na lamang ang gastusin sa pagpapagamot ng mga biktima sa hospital.

(Reynante Ponte/UNTV RADIO)

Tags: