DSWD Disaster Response Center para sa malakihang relief operations, binuksan sa Cebu

by Radyo La Verdad | April 29, 2016 (Friday) | 2371

GLADYS_DSWD
Sariwa pa rin sa alaala ni Aling Lydia ang dinanas na hirap kahit mahigit dalawang taon na ang nakalipas mula nang manalasa ang Bagyong Yolanda sa Visayas.

Isa siya sa mga residente sa Bantayan Island, Cebu na matinding sinalanta ng kalamidad noong 2013.

Magugunitang nagkaroon ng aberya sa paghahatid ng relief operations sa Visayas noon dahil binaha at na-isolate ang maraming lugar at bumagsak rin ang linya ng komunikasyon at kuryente.

Maging ang evacuation centers at relief hub na dapat sana’y unang tutugon sa mga biktima, naapektuhan rin.

Upang maiwasan nang maulit ito, isang disaster response center ang binuksan ng Department of Social Welfare and Development sa Mandaue City, Cebu.

May sukat ito na 5,000 square meters at may custom-built mechanized system na kayang mag-produce ng 50,000 family food packs kada araw na sapat upang mapakain ang 250,000 individuals sa loob ng tatlong araw.

Magsisilbi rin itong bodega ng food packs at non-food commodities na madalas iimbentaryuhin upang maseguro ang kalidad.

Ang DRC ay naitayo sa ilalim ng strategic partnership ng DSWD at world food programme at pinondohan ng Australian at British government.

Samantala, bukod sa tulong ng pamahalaan ay patuloy pa rin ang pagbibigay ayuda ng iba’t ibang grupo para sa mga biktima ng bagyo.

Gaya ng pabahay, at water sanitation project upang maisulong ang kahalagahan ng pag-iimbak ng tubig upang may magamit sa panahon ng kalamidad.

(Gladys Toabi / UNTV Correspondent)

Tags: , ,