DFA, patuloy na nagsasagawa ng awareness campaign kaugnay ng maritime dispute

by Radyo La Verdad | April 29, 2016 (Friday) | 2958

PRIMROSE_JOSE
Patuloy na naglilibot sa ilang lalawigan ang mga kinatawan ng Department of Foreign Affairs upang magsagawa ng awareness campaign hinggil sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.

Ito ay sa gitna ng agresibong reclamation activity ng bansang China na ngayon ay nagbukas na ng lighthouse sa binuong artificial island sa Subi Reef.

Ayon kay Foreign Affairs Spokesperson Assistant Secretary Charles Jose, bilang Pilipino dapat alam natin ang sovereign rights ng bansa alinsunod sa 1982 United Nations Convention on the Laws of the Sea.

Sa ilalim ng batas, bawat coastal state kagaya ng Pilipinas at China ay may karapatan na mag-explore at makinabang sa natural resources

Ngunit dapat sang-ayon ito sa itinakdang limitasyon — 12 nautical miles ng territorial sea, 24 nautical miles ng contiguous zone at 200 nautical miles ng exclusive economic zone at continental shelf.

Una nang iginiit ng china na pag-aari nila ang buong West Philippine Sea batay sa kanilang nine-dash-line map ngunit kinontesta ito ng Pilipinas sa pamamagitan ng paghahain ng reklamo sa United Nations Tribunal.

Patuloy na ring nakikipag-tulungan ang Pilipinas sa iba pang bansa sa Asya upang maresolba sa mapayapang paraan ang isyu.

(Primrose Guilaran / UNTV Correspondent)

Tags: , ,