Mas mahigpit na seguridad na ang mararanasan ng publiko sa mga susunod na araw bunsod ng pagpapatupad ng full alert status ng Philippine National Police sa buong bansa.
Ayon kay PNP Chief PDG Ricardo Marquez, kanselado na ang mga leave at walang day off ang PNP personnel oras na isailalim na sa pinakamataas na alerto ang pambansang pulisya.
Sinabi rin ni Marquez na lahat ng tauhan ng PNP na hindi naka-duty ay kailangang naka-antabay sa mga kampo upang mabilis na maipadala sa mga lugar na kailangan ang augmentation force.
Tulad na lamang ng Pantar Lanao del Norte nadeklarado ng comelec controlled area.
Ayon kay PNP PIO Chief PCSupt. Wilben Mayor, maidedeklarang COMELEC controlled area ang isang lugar kung mayroon itong matinding political rivalry, may mga private armed groups, loose firearms, threat groups at violence sa lugar.
Upang maiwasan din ang karahasan sa halalan, ipinaa- account na ng pinuno ng pambansang pulisya ang mga armas na hawak ng Local Government Units at ipinare-repaso na rin sa mga Regional, Provincial at City Directors ang kani-kanilang contingency security plan upang maiwasan ang gulo sa panahon ng eleksyon lalo na sa mga lugar na mainit ang pulitika.
(Lea Ylagan/UNTV NEWS)