13 pang miyembro ng Abu Sayyaf Group, nasawi sa pagpapatuloy ng military operations sa Basilan

by Radyo La Verdad | April 12, 2016 (Tuesday) | 1522

PADILLA
Iniulat ng tagapagsalita ng Armed Forces of the Philippines na si Brigadier General Restituto Padilla Jr. na 13 pang miyembro ng Abu Sayyaf Group ang nasawi sa patuloy na operasyon ng militar sa Basilan.

Linggo, nagtungo sina Defense Secretary Voltaire Gazmin at Armed Forces of the Philippines Chief of Staff General Hernado Iriberri sa Western Mindanao Command Headquarters sa Zamboanga upang gawaran ng military honor ang mga nasawi at nasugatang sundalo sa higit sampung oras na engkwentro ng militar at Abu Sayyaf Group sa Tipo-Tipo, Basilan noong Sabado.

Nasawi ang 18 sundalo samantalang 50 iba pang sundalo ang nasugatan.

Ayon kay BGen. Padilla, kapwa nakaantabay ang air assets at artillery support ng militar sa operasyon noong Sabado subalit hindi nakalipad ang mga helicopter noong umaga dahil sa sama ng panahon.

Nagbigay din ng marching order ang AFP Chief of Staff na si General Iriberri na ipagpatuloy ang military operations upang masugpo ang teroristang grupong Abu Sayyaf at di masayang ang sakripisyo ng mga kasamahan nilang sundalo.

Karamihan sa mga sundalong nasawi ay bunga ng improvised explosive device na ginamit ng teroristang grupo.

May tangkang pamumugot din sa dalawang sundalo.

Samantala, itinuturing namang accomplishment ang nangyaring operasyon ng militar bagaman maraming sundalo ang nasawi dahil kabilang sa mga Abu Sayyaf na neutralized ay ang instructor sa paggawa ng bomba at Morrocan terrorist na si Mohammad Khattab at ang anak ng isang lider ng ASG na si Ubaida Hapilon.

Naka-half mast ngayon ang bandila ng Pilipinas sa mga kampo ng militar sa loob ng isang Linggo bilang pagdadalamhati ng buong hukbong sandatahan sa pagkasawi ng mga kasamahan nilang sundalo at pagbibigay-pugay sa kanilang kabayanihan at sakripisyo.

(Rosalie Coz/UNTV NEWS)

Tags: ,