Hindi gumanang battery ng genset, dahilan ng power outage sa Ninoy Aquino Terminal 3 noong Sabado

by Radyo La Verdad | April 6, 2016 (Wednesday) | 1686

NAIA
Napalitan na nitong Lunes ang lahat ng baterya ng sampung generator set ng NAIA sa Terminal 3.

Natuklasan ng Manila International Airport Authority na palyadong baterya ang naging dahilan ng brownout.

Siyam sa sampung genset ang gumana noong Sabado, subalit sa di inaasahang pangyayari, ang genset 2 na nagsu-supply ng kuryente sa mas mahahalagang pasilidad ng Terminal 3 ang pumalya.

Apektado rito ang entrance sa departure, screening equipment sa entrance, baggage handling system, check in lobby at immigration counter.

Nilinaw ng MIAA na walang kasalanan ang Meralco at nasa kanila ang malaking pagkukulang.

Humingi rin ng paumanhin ang MIAA sa malaking abala na naidulot nito sa mga pasahero.

Bagamat kaya namang ipagpatuloy ang ibang mga flight, ang mga airline company na ang nagkusang magkansela upang hindi madamay ang ibang flight kinabukasan.

Upang hindi na maulit ang pangyayari, nagkaroon ng kasunduan ang Meralco at MIAA upang matutukan ang problema.

Wala hurisdiksyon ang Meralco sa mga pasilidad ng MIAA subalit papahintulutan na ng MIAA ang Meralco na ma-check ang kanilang mga genset at linya ng kuryente upang mapanatiling maayos ito.

Isang smart switcher ang ikakabit ng Meralco sa NAIA Terminal 3 upang mas mabilis na maka responde sa mga naturang problema

Kumpyansa naman ang Meralco na hindi na mauulit ang pangyayari sa tulong ng smart switcher.

Maglalabas ng report ang Meralco matapos ma check ang kalagayan ng mga gensets at power supply ng Terminal 3 ilang linggo matapos ang kanilang inspeksyon.

(Mon Jocson/UNTV NEWS)

Tags: , ,