21 sugatang sundalo, binisita ni Pangulong Duterte sa Jolo, Sulu

by Radyo La Verdad | August 27, 2018 (Monday) | 6284

JOLO, Sulu – Nagtungo sa Camp Teodulfo Bautista Station Hospital sa Jolo, Sulu si Pangulong Rodrigo Duterte noong Sabado. Binisita nito ang 21 mga sundalong nasugatan sa iba’t-ibang engkwentro sa Abu Sayyaf group ngayong buwan sa Patikul, Sulu.

Ginawaran ang mga ito ng Pangulo ng Order of Lapu-Lapu at Rank of Kampilan Award dahil sa kanilang katapangan at mga sakripisyo sa paglilingkod sa bansa.

Nangako si Pangulong Duterte na hindi pababayaan ang mga ito at lahat ng iba pang mga sundalong nasugatan sa labanan.

Samantala, pagkatapos nito ay nagsalita naman sa harap ng mga sundalo sa kampo ang punong ehekutibo.

Ipinag-utos nito ang pagpuksa sa mga grupong sumusuporta sa Al Qaeda at Islamic State terrorist sa bansa dahil wala umanong alam ang mga ito kundi manira at pumatay.

Muli ring pinaaalalahan ng Pangulo ang mga sundalo na huwag magpapahuli sa mga terorista at mga rebelde.

Sa huli, sinabi ng Pangulo na hinahangaan nito ang katapangan ng mga sundalong Pilipino at nasa likod siya ng laban ng mga ito.

 

( Mirasol Abogadil / UNTV Correspondent )

Photo: SAP Bong Go

Tags: , ,