Nagsagawa ng drug buy bust operation ang Quezon City Masambong Station Special Drug Enforcement Unit sa Sitio San Roque brgy. Pag-asa, bandang alas-sais ng gabi kahapon.
Ito ay matapos makatanggap ang mga otoridad ng mga reklamo mula sa mga residente sa umano’y talamak na bentahan ng droga sa lugar.
Naaresto sa operasyon ang target na si Marivic Suarez, quarenta años. Gayon din ang dalawa pa nitong kasamang tulak din umano sa lugar na sina Jonathan Ordonio, 25 años at si Joselito Andres, 49 años.
Huli rin sa akto ang labing isang parokyano ni Marivic na gumagamit ng shabu sa loob ng umano’y drug den. Aminado naman si Marivic sa akusasyon ng mga pulis subalit ibinabagsak lang umano ito ng nagngangalang Andrew at Kate sa kanyang bahay.
Samantala, arestado din ang pito pang suspek sa isa pang buy bust operation sa brgy. San Martin sa Cubao, alas dos ng madaling araw kanina. Arestado ang tatlong magkakapatid na sina Zandy, Jannete at Carol Cahote na umano’y tulak ng droga sa lugar. Ayon sa otoridad, dalawang buwan nilang minanmanan ang bahay ng magkakapatid na isa ding drug den.
Nasa kustodiya na ng QCPD Station 7 at Station 2 ang mga suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
(Macky Libradilla / UNTV Correspondent)