209 establishments sa Boracay, pinagmumulta ng nasa 43 milyong piso dahil sa paglabag sa environmental laws

by Radyo La Verdad | October 31, 2018 (Wednesday) | 2991

Paglabag sa Clean Air Act, Clean Water Act at kawalan ng kaukulang permit to discharge for water pollutants. Ito ang ilan sa mga batas na napatunayan ng pollution adjudication board ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na nalabag ng 209 na mga business establishment dito sa isla ng Boracay.

Isang daan at sampu rito ay may paglabag sa Section 1 Rule 19 ng Republic Act 8749 o Clean Water Act. 72 naman ang walang discharge permit for water pollutants na isang paglabag sa Section 27 ng Republic Act 9275 o Clean Water Act. Habang ang iba naman ay nakitaan din ng iba pang mga paglabag sa batas.

Papatawan ng mula sampung libong piso hanggang sa 1 milyong pisong multa ang mga lumabag na establisyemento, depende sa haba ng panahon at bigat ng kanilang paglabag.

Ayon sa pollution adjudication board ng DENR, sa kabuuan ay aabot ito sa 43 milyong piso.

Napadalhan na rin umano ng mga warnings ang mga lumabag na establisyemento upang ipagbigay-alam ang desisyon ng board.

Hindi naman papayagan ng DENR ang mga ito na mag-operate o kahit magprocess ng permit to operate hanggang hindi nababayaran ang kaukulang multa.

Ang Boracay Island ay ipinasara ng Pangulong Rodrigo Duterte noong ika-26 ng abril matapos mapatunayan ang sari-saring paglabag ng mga establisyemento sa mga batas pang kalikasan na nagresulta sa unti-unting pagkasira ng kalikasan sa isla.

Ngunit ngayong bukas na muli sa publiko ang tinaguriang Crown Jewel of Philippine Tourism, dagsa na rin ang mga turistang pumapasok sa isla araw-araw.

Ayon sa ulat ng Caticlan Jetty Port Authority, simula nang buksan ang Boracay noong nakaraang Biyernes ay hindi bumababa sa 3,000 ang bilang ng mga local at foreign tourists na pumapasok araw-araw.

Bagaman on-going pa rin ang rehabilitasyon ng pamahalaan sa isla, ikinatuwa naman ng mga turista ang naging resulta ng 6-month rehabilitation efforts dito. Ikinatuwanrin ng iba na wala nang mga free agents at mga nangongomisyon na mga vendors sa gilid ng beachfront.

Umaasa naman ang mga turista na mapapanatili ng pamahalaan at ng task force ang sinimulan nitong rehabilitasyon sa isla upang mapanatili ang kagandahan at kalinisan nito.

 

( Vincent Arboleda / UNTV Correspondent )

Tags: , ,