RCBC Jupiter Branch Manager Maia Santos-Deguito, idiniin ng mga kasamahan sa bangko sa money laundering scheme

by Radyo La Verdad | March 18, 2016 (Friday) | 1932

DEGUITO
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senado, isa sa mga kasamahan ni MAIA Deguito sa Jupiter branch ang nagsalaysay ng pangyayari noong February 5, 2016.

Sa petsang ito prinoseso umano ang withdrawal ng nasa 20 milyong pisong halaga ng cash mula sa account ni William Go sa Jupiter branch.

Pagkadeliver ng cash center ng RCBC sa Jupiter branch ng 20 million pesos, isinakay umano nila ang pera sa sasakyan ni Deguito.

“yung teller nilagay sa box at nilagay sa table ni Deguito at isinakay sa kotse ni Deguito na nasa labas ng branch.” Pahayag ni Romualdo Agarado, Customer Service Head, RCBC Jupiter Makati Branch

Sinabi rin ni Agarado sa pagdinig na kinausap pa ni Deguito ang mga kasamahan nito noong February 12 upang kumbinsihin sila at umano’y sinuhulan.

Sa kabila ng series of recall of funds na nagmula sa head office ng RCBC noong February 9, pinili pa umano ni Deguito na ipagpatuloy ang milyong dolyar na halagang transaksyon dahil sa umano’y banta sa buhay ni Deguito at ng kaniyang pamilya.

Mariin naman itong itinanggi ni Deguito sa pagdinig ng Senado.

Nahaharap rin sa kaso si Angela Torres, ang assistant branch manager ni Deguito.

Naghain naman ng mosyon si Senador Juan Ponce Enrile sa Blue Ribbon Committee na ipa-contempt na si Deguito dahil sa patuloy nitong pagtanggi na sumagot sa tanong ng panel at igiit ang isang executive session para sa kaniya.

Subalit kinalaunan, nagkasundo na rin ang Senate Blue Ribbon Committee na magsagawa ng executive session para kay Deguito upang malaman kung kinakailangan bang isapubliko ang mga pahayag ni Deguito o banta nga ba ang mga magiging pahayag na ito sa pambansang seguridad.

Pinahintulutan namang sumama sa executive session ang Ambassador ng Bangladesh.

Samantala, naungkat din ang pagkakatalaga kay Deguito sa RCBC Jupiter Makati Branch sa halip na sa Fort Bonifacio Branch bilang branch manager dahil umano sa isang valued customer umano at dealer ng expensive car na si Jason Go.

(Rosalie Coz/UNTV NEWS)

Tags: ,