Mga OFW na dumarating sa Doha, Qatar pinag-iingat ng Philippine Overseas Labor Office sa contract switching

by Radyo La Verdad | March 17, 2016 (Thursday) | 1477

Labour-Attache-David-Des-Dicang

“Pinapayuhan natin ang ating mga kababayan, yung mga nandito na sa Qatar, yung mga parating palang o yung bagong dating, huwag na huwag po silang pumirma ng bagong kontrata, especially pag mababa ang sahod at mas mababa yung terms of employment.”

Ito ang binigyang diin ni Labour Attache David Des Dicang para sa mga OFW na dumarating dito sa Doha.

Kaugnay ito sa mga natatanggap na reklamo mula sa mga OFW, kung saan pinapipirma sila ng panibagong employment contract na iba sa orihinal na kontrata na kanilang nilagdaan bago umalis ng Pilipinas.

Sinasabing sa panibagong kontratang pinapipirmahan ng ilang mapagsamantalang employer, mas mababa ang suweldo at kulang sa mga benepisyo, mas mahabang oras, at kung minsan ay iba pa ang ibinibigay na trabaho.

May mga report pa umanong tinatakot ang ilang OFW na pauuwiin kung hindi pipirmahan ang panibagong kontrata na ang gastos sa pag-uwi ay mula sa bulsa ng OFW.

Sinabi pa ni Labour Attache Dicang na kung sakaling may mamimilit na employer na lumagda sila sa panibagong kontrata ay kaagad na ipagbigay alam sa Philippine Overseas Labor Office o POLO dito sa Doha.

Isa ang OFW na si Charmaine na nabiktima ng contract switching kung saan mas mababa ang tinatanggap nitong sweldo at kung saan saan pa pinagtatrabaho.

Kasalukuyan ng inaasikaso ng mga kawani ng POLO-OWWA ang kaso ni Charmaine at ang labing dalawa pa niyang kasamahan upang makuha ang nararapat na benipisyo para sa kanila.

Kamakailan lamang ay anim na OFW ang dumulog sa polo upang ireklamo ang kulang na ibinibigay na suweldo sa kanila.

Sa tulong ng ahensya, nakuha nila ang halagang 36,400 riyals o halos kalahating milyong piso mula sa kanilang employer.

Samantala sa text message ni Philippine Ambassador to Qatar Wilfredo Santos sa UNTV hinikayat nito ang ating mga kababayan na huwag matakot na ireport ang ganitong uri ng illegal na gawain.

Dagdag pa niya nakahanda ang embahada na magbigay ng kaukulang consular at legal assistance.

Paalaala ng POLO at embahada, huwag magpadala sa magandang alok ng pangingibang bansa kung hindi sigurado upang makaiwas sa mas malaki pang problema.

(Ramil Ramal /UNTV NEWS)

Tags: ,