Mga magulang at estudyante, nagprotesta sa pagtanggi ng Korte Suprema na maglabas ng TRO vs K to 12 program

by Radyo La Verdad | March 17, 2016 (Thursday) | 3312

K-TO-12
Binatikos ng ilang magulang at estudyante ang Korte Suprema dahil sa pagtanggi nitong magpalabas ng TRO at pigilin ang pagpapatupad sa K to 12 program.

Hindi katanggap tanggap at kwestyonable para sa kanila ang naging resolusyon ng mataas na hukuman nitong Martes.

Giit nila, dapat mapawalang bisa ang K to 12 dahil ipinagkakait nito sa mga kabataan ang kanilang karapatan sa basic education sa ilalim ng saligang-batas.

Sa pamamagitan umano ng naturang programa ay tila ipinagkatiwala na ng pamahalaan sa mga pribadong paaralan ang obligasyon nito sa basic education ng mga kabataan.

Dagdag pahirap din anila sa mga magulang ang dalawang taon sa senior high school na idinagdag sa kurikulum.

Kinukwestyon ng iba’t ibang grupo ang K to 12 program dahil sa umano’y labag sa saligang batas ang pagpapatupad nito dahil hindi nagkaroon ng sapat na konsultasyon sa mga magulang at estudyante bago ito naisabatas.

Martes ng naglabas ng resolusyon ang Korte Suprema at hindi pinagbigyan ang hiling na TRO sa implementasyon ng K to 12 law.

Ayon sa DepEd, dahil sa desisyong ito ng Korte Suprema ay maiiwasang magkagulo ang sistema ng edukasyon sa bansa.

Plano naman ng grupo ng mga magulang at kabataan na maghain ng motion for reconsideration sa resolusyon ng mataas na hukuman.

(Roderic Mendoza/UNTV NEWS)

Tags: