Pangulong Aquino, tiniyak ang suporta ng gobyerno para sa mga microfinance institution

by Radyo La Verdad | March 16, 2016 (Wednesday) | 2434
Photo credit: Malacañang
Photo credit: Malacañang

Tiniyak ni Pangulong Benigno III ang suporta ng pamahalaan sa mga microfinance institution sa bansa.

Sa talumpati ni Pangulong Aquino sa ika-30 anibersaryo ng Center for Agriculture and Rural Development Mutually Reinforcing Institutions (CARD-MRI) sa Bay Laguna, ibig aniyang ipagpatuloy ang pagbibigay suporta at ayuda para sa mga maliliit na kumpanya partikular sa mga nagpapa-utang at maliliit na negosyante.

Masasayang lang aniya ang potensyal ng mga negosyante na umasenso kapag hindi matutugunan ang pangangailangan ng mga ito.

Dahil dito, sinisikap aniya ng pamahalaan na patatagin ang naturang industriya sa pamamagitan ng mga polisiyang makatutulong sa mga negosyante.

“Katuwang po ng gobyerno ang mga institusyong kagaya ng CARD MRI sa pagbibigay ng suportang pinansyal sa ating mga boss, upang tulungan silang makabangon sa kahirapan.” Pahayag ni Aquino.

Matatandaang nilagdaan ng Pangulo bilang ganap na batas ang Microfinance NGOs Act o Republic Act No. 10693 na panukala ni Senator Bam Aquino.

Layunin nito na patatagin ang microfinancing industry sa bansa para mabawasan ang bilang ng mahihirap na pamilya.

Noong December 2015, nasa 3.3 million na ang napagsilbihan ng CARD-MRI.

Kabilang din si dating Pangulong Cory Aquino sa sumuporta sa naturang institusyon na itinatag noong 1986.

(Jerico Albano / UNTV Radio Correspondent)

Tags: , ,