Mga problema sa sektor ng kalusugan na dapat tutukan ng susunod na administrasyon, inilatag ng ilang medical group

by Radyo La Verdad | March 16, 2016 (Wednesday) | 8268

Dr.-Minerva-Calimag
Tinalakay kahapon ng ilang grupo ng mga doktor sa isang forum sa Quezon City ang mga pangunahing problema sa sektor ng kalusugan na dapat na mabigyan ng pansin ng susunod na presidente ng bansa.

Ayon kay Dr. Antonio Dans, pangulo ng Philippine Society of General Internal Medicine at Dr. Minerva Calimag ng Philippine Medical Association, ang kakulangan sa mga health worker ang isa sa mga pangunahing suliranin ng bansa upang mabigyan ng sapat at maayos na pangangalaga sa kalusugan ang ating mga kababayan.

Sa pagtaya ng ilang medical groups lumalabas na sa bawat apat na pung libong mga pasyente, isang doktor lamang ang nakalaan upang magbigay lunas sa kanilang karamdaman.

Dagdag pa ng mga ito, bukod sa pangingibang bansa ng mga health worker, karamihan rin sa kanila ay mas pinipiling magtrabaho sa mga pribadong sektor kesa sa mga pampublikong ospital dahil sa kakulangan ng mas maayos na mga pasilidad.

Kabilang rin sa mga nakikitang problema ng grupo ang kakulangan sa maayos na sistema at mga komite na tututok sa mga konkretong programa ng pamahalaan upang mas lalo pang lumawak ang sakop ng health insurance.

Para kay PCP Foundation President Dr. Tony Leachon, hindi sapat na batayan ang paglalaan ng budget sa isang proyekto at sa halip ay ang pagbuo na mga epektibong stratehiya na makatutulong upang maresolba ang mga suliranin sa usapin ng health care sa bansa.

Sa darating na Sabado muling idaraos ang ikalawang bahagi ng presidential debate, kung saan inaasahan ng mga naturang medical group na masasagot ng mga kandidato ang sinasabing matagal ng problema sa sistema ng health sector sa bansa.

(Joan Nano/UNTV NEWS)

Tags: , ,