Ilang mga kandidato sa pagka-pangulo sa darating na halalan, pinasaringan ni Pangulong Aquino

by Radyo La Verdad | March 16, 2016 (Wednesday) | 1714

PNOY
Dumalo si Pangulong Benigno Aquino the third at ilang miyembro ng gabinete sa taunang pulong ng mga miyembro ng Liga ng mga Probinsya kahapon ng umaga sa Maynila.

Sinamantala ng Pangulo ang pagkakataon sa kanyang pagharap sa mga gobernador ng bansa para ipagmalaki ang mga reporma na naipatupad ng kaniyang administrasyon.

Kabilang na dito ang pagsusulong ng transparency at accountability ng mga opisyal ng pamahalaan.

Gayundin ang pagbibigay ng suporta ng national government sa mga Local Government Units sa pamamagitan ng tinatawag na konkreto at ayos na lansangan at daan tungo sa pangkalahatang kaunlaran o kalsada program na bahagi ng local government support fund na pinagtutulungang ipatupad ng DILG, DBM at DPWH.

Hinamon ni Pangulong Aquino ang mga hindi kaalyadong gobernador sa usapin ng pagbibigay ng suporta ng kasalukuyang administrasyon sa kani-kanilang mga lugar.

Pinasaringan naman ni Pangulong Aquino ang ilang mga kumakandidato sa pagka-pangulo sa darating na eleksyon.

“Ang liwanag ng choices sigurado, baka, baka mas magaling yung isa, baka ituloy, mayroon namang siguradong hindi itutuloy at iyu-uturn tayo, meron hong hindi maliwanag kung saan tayo, yung isa baka, baka lumiwanag kung saan niya tayo dadalhin, pero ngayon pa lang malabo na.”

Nasa walumpung gobernador ang miyembro ng League of Provinces of the Philippines na taunang nagpupulong kung saan ang pangunahing layon ay makabuo ng polisiya at magkaroon ng kooperasyon ang bawat probinsya tungo sa ikauunlad nito.

(Nel Maribojoc/UNTV NEWS)

Tags: ,