Nakahandang makipagtulungan ang Philippine National Police sa Anti Money Laundering Council o AMLC kaugnay ng imbestigasyon sa money laundering scheme na aabot sa 81 million US dollar.
Ayon kay PNP Chief PDG Ricardo Marquez, malaki ang kanilang maitutulong sa imbestigasyon sa pamamagitan ng Anti- Cyber Crime Group ng ahensya.
Lumabas sa inisyal na imbestigasyon na ang naturang halaga ay ninakaw ng mga online hacker sa Bangladesh Central Bank at ipinasok sa apat na account sa RCBC.
Bago pa man ang pangyayaring ito, sinabi ni General Marquez na may kaparehong kaso na nauna nang idinulog sa kanila noong Nobyembre ng nakaraang taon.
Ang kaibahan lang aniya, malaking local bank ang biktima at natangayan ng malaking halaga ng mga online hacker.
Bunsod nito’y nababahala rin ang PNP sa uri ng pagnanakaw ng mga kriminal gamit ang internet.
Kaya naman inatasan ng Heneral ang PNP Anti Cyber Group na paigtingin ang kanilang pagpapatrolya hindi lamang sa lansangan at komunidad kundi maging sa cyber space na maitututing nilang isang malaking hamon lalo nat ibang iba ito sa tradisyunal na kaso ng mga bank robbery na hinahawakan nila noon.
(Lea Ylagan/UNTV NEWS)
Tags: Anti- Cyber Crime Group, PNP Chief PDG Ricardo Marquez