Mismong ang mga Bangladesh Government Official ang humingi ng assistance sa Senado upang tulungan silang mabawi at imbestigahan kung saan napunta at sino ang may kasalanan sa ilegal na paglipat ng salaping ninakaw sa kanila na nagkakahalaga ng 81 million US dollars mula sa account ng Bangladesh Central Bank na inilipat sa Pilipinas ng mga hacker sa Rizal Banking Corporation o RCBC, at inilabas sa bansa sa pamamagitan ng mga casino.
Subalit, dismayado ang Senado dahil walang nakuhang sagot ang mga mambabatas mula sa mga resource person dahil sa pag-iinvoke ng mga ito sa Bank Secrecy Law partikular na si RCBC Chief Executive Officer na si Lorenzo Tan samantalang ang dating RCBC Jupiter Makati Branch Manager naman na si Maia Deguito ay iginigiit ang kaniyang karapatan laban sa self-incrimination dahil sa mga kasong inihain na sa kaniya ng Anti-Money Laundering Council.
Ito ay sa kabila na fictitious o gawa-gawa lang ang mga account holder ng mga peso at dollar account sa RCBC kung saan idinaan ang ninakaw na salapi.
Subalit, iginiit naman ni Deguito na handa itong sabihin ang lahat ng kaniyang nalalaman sa isang executive session kung saan hindi ito maire-record.
Binigyang-diin naman ni Lorenzo Tan na hindi na dumadaan sa Chief Executive Officer na tulad niya ang pag-facilitate ng deposit, conversion at withdrawal ng partikular na peso at dollar accounts.
Samantala, iginiit naman ng AMLC Acting Chair Nestor Espenilla na dapat otomatiko ang alerto sa anumang bangko pagdating sa regulasyon sa Anti-Money Laundering kung ang transaksyon ay may involvement ng milyong halaga ng dolyar.
Kinumpirma naman ng AMLC Secretariat na nagsumite na ng ulat na suspicious transactions ang RCBC at PNB sa AMLC hinggil sa mga transaksyong kinasasangkutan ni Deguito.
Sa ngayon, 44 bank accounts ang naka-frozen dahil sa money laundering activity na ito.
Napag-usapan din sa Senate Blue Ribbon Committee hearing ang pag-amyenda sa Anti-Money Laundering Act kung saan isama na sa hurisdiksyon ng batas ang casino sector upang maiwasang maulit ang money laundering sa mga casino.
(Rosalie Coz/UNTV NEWS)