Mas epektibong early warning system sa pagmomonitor ng baha, inilunsad ng MMDA

by Radyo La Verdad | March 15, 2016 (Tuesday) | 4180

EFCOS-PROJECT
Sa tulong ng bagong Effective Flood Control Operation System O EFCOS, malalaman na ng MMDA ang pag-apaw ng tubig sa ilog Marikina ilang oras bago pa ito mangyari.

Ang EFCOS ay isang early warning system na kayang mag monitor kung gaano kataas at karami ang tubig na bababa mula sa mga bundok ng Montalban bago makarating sa ilog ng Marikina.

Siyam na radio system ang inilagay sa mga istratehikong lugar ng MMDA upang mabilis na maiparating sa control system sa Manggahan floodway ang mga impormasyon

Dati, nakakapag desisyon lamang ang MMDA kung dapat ng buksan ang floodgate kapag umaapaw na ang ilog.

Dahil mabilis nang matatanggap ng control center ang impormasyon, kaagad na makakapag-desisyon na ang mmda kung dapat ng buksan ang flood gate.

Mabilis din na makakapag bigay ng babala ang MMDA sa mga taong nakatira malapit sdv-loodway gamit ang sirena.

Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC, malaki ang maitutulong ng EFCOS upang mabawasan ang mga pinsala na dulot ng pagbaha.

Dagdag pa ng NDRRMC, magkakakonekta ang mga ilog sa buong Metro Manila, kapag umapaw ang ilog Marikina, malaking porsyento na pati ang ibang ilog ay umapaw rin at magdulot ng mga pagbaha.

Subalit pinaka mainam pa rin ang sapat na kaalaman ng publiko hinggil sa mga ganitong uri ng kalamidad.

Ang EFCOS ay isang joint project na pinondohan ng Pilipinas at Ng Japan International Cooperation Agency o JICA.

Ang proyekto ay sinimulan noong 2014 na nagkakahalaga ng 74 million pesos.

(Mon Jocson/UNTV NEWS)

Tags: , ,