Naghain na ng piyansa ang labintatlong dismissed officials ng Philippine National Police sa kasong graft sa Sandiganbayan kaugnay ng AK47 rifle scam.
Kabilang sa mga dating mataas na opisyal ng PNP na nagpost ng bail ang dating pinuno ng Firearms and Explosives Office ng PNP na si P/C Supt. Raul Petrasanta na nagbayad ng 750 thousand para sa 25 counts ng graft.
Nagpiyansa na rin si dating P/Dir. Gil Meneses ng halagang 180 thousand pesos at dating P/Dir Napoleon Estilles ng halagang 120 thousand pesos.
Kasunod ito ng paglalabas ng warrant of arrest ng korte noong Biyernes laban kina Petrasanta at labing-apat pang opisyal at non uniformed personnel ng PNP.
Magugunitang kinasuhan sila ng Ombudsman dahil sa umano’y pagbibigay ng lisensya sa mahigit isang daang high powered AK-47 riffles mula 2011 hanggang 2013 sa mga pribadong kumpanya kahit hindi kumpleto ang mga requirement, at napeke ang ilang dokumento sa application.
Naunang ipinagutos ng Ombudsman na tanggalin sa pwesto sina Petrasanta dahil sa kanilang administrative liability sa nangyari.
Sa resolusyon ng Sandiganbayan, sinabi nitong matapos pagaralan ang mga ebidensyang iprinisinta ng prosekusyon, kinakitaan nila ng probable cause o sapat na basehan upang ipagpatuloy ang paglilitis sa kaso
Nilinaw naman ng korte na hindi ibig sabihin nito ay guilty na ang mga akusado.
Binigyang-diin rin nito na nasa kamay pa rin ng prosekusyon ang “burden of proof” o pagpapatunay na nakagawa ng katiwalian ang mga nasabing opisyal.
Sinubukan namang kunan ng UNTV News ng pahayag si Petrasanta matapos magpiyansa sa Sandiganbayan ngunit tumanggi ito.
Kabilang si dating P/C Supt. Raul Petrasanta sa mga pinagpilian ni Pres. Benigno Aquino III na papalit kay dismissed PNP Chief Alan Purisima.
Ngunit sa kasagsagan ng imbestigasyon at dismissal ng Ombudsman kay Petrasanta at iba pa, itinalaga ni Pangulo si P/Dir. Gen. Ricardo Marquez bilang bagong hepe ng PNP.
(Joyce Balancio/UNTV NEWS)
Tags: AK47 rifle scam