Isyu ng citizenship ni Poe, dapat direktang resolbahin ng Korte Suprema – Atty. Macalintal

by Radyo La Verdad | March 14, 2016 (Monday) | 1451

Atty-Romulo-Macalintal
Sa kabila ng desisyon ng Korte Suprema na kwalipikadong tumakbo bilang Pangulo ng bansa si Sen Grace Poe, hindi pa rin natatapos ang isyu sa kanyang citizenship.

Ayon sa election lawyer na si Atty Romulo Macalintal, dapat maging malinaw sa lahat na kanselasyon ng kandidatura ang dinisesyunan ng Korte Suprema nitong nakaraang Martes.

Ang pangunahing issue aniya dito ay kung nagsinungaling ba si Poe sa pagsasabing siya ay kwalipikadong tumakbo sa halalan.

Sakaling manalo si Poe sa darating na halalan sa Mayo, maaari pang idulog sa Presidential Electoral Tribunal ang isyu ng citizenship nito.

Sa kanyang dissenting opinion sa desisyon sa kaso ni Poe, sinabi ni Senior Associate Justice Antonio Carpio, na wala pang majority ruling sa issue ng citizenship ni Poe.

Sa siyam na mahistradong bumoto pabor kay Poe, pito lamang dito ang nagsabing natural born citizen ang isang foundling na gaya ng Senadora.

Sina Associate Justice Diosdado Peralta at Benjamin Caguioa, nagsabing hindi dapat magdesisyon ang Korte Suprema sa issue ng citizenship ni Poe.

Batay sa panuntunan ng korte, kailangang may pagsang-ayon ng mayorya ng mga mahistrado ang lahat ng desisyon ng mataas na hukuman.

Kaya’t para kay Macalintal, mas makabubuti kung direktang sasagutin ng Korte Suprema ang isyu sa citizenship ni Poe.

At maaari itong gawin sa pamamagitan ng pagresolba sa nakabinbing apela sa desisyon ng Senate Electoral Tribunal na nagsasabing natural born citizen ang Senadora.

(Roderic Mendoza/UNTV NEWS)

Tags: