Nanguna sa pinakahuling SWS pre-election survey si Senador Grace Poe.
Isinagawa ang survey noong March 4 hanggang March 7.
Ang survey ay isinagawa halos kasabay ng kauna-unahang presidential debate na isinagawa noong March 5 sa Cagayan de Oro City.
Ayon sa survey tumaas sa 27 percent ang ratings ni Senadora Grace Poe mula sa 24 percent noong Feb 5 to 7.
Nasa sa ikalawang pwesto si Vice President Jejomar Binay na bumaba ng limang puntos.
Mula sa 29 percent sa nakaraang survey ay nakakuha lang ng 24 percent si Binay.
Samantala, apat na puntos naman ang itinaas ng ratings ni dating Interior Secretary Mar Roxas – ang may pinakamalaking itinaas na ratings sa lahat ng presidentiables.
Pumapangatlo na sya ngayon sa survey na may 22 percentage points.
Bumaba naman sa 3 percentage points ang rating ni Mayor Rodrigo Duterte na nasa 21 percent mula sa dating 24 percent.
Nananatiling panglima si Senator Miriam Defensor Santiago na may rating na 4 percent.
Sa pagka-bise presidente naman, lumalabas na statistical tie sa top spot ang sina Sen. Chiz Escudero at Bongbong Marcos.
Sumunod sa dalawa si Leni Robredo, pinakamalaki ang itinaaas ang rating sa lahat ng mga kandidato na may limang puntos.
Mula sa 19 percent, 24 percent na ang ratings ni Robredo sa ngayon.
Pangatlo naman si Sen. Alan Peter Cayetano, pang-apat Sen. Trillanes at pang-lima Sen. Gregorio Honasan.
Ikinatuwa naman ng Malacanang ang pagtaas ng rating ng Roxas-Robredo tandem.
Ipinapakita lamang umano nito na dumarami na ang sumusuporta sa tuwid na daan ng pamahalaan.
Ikinatuwa rin ni Sen. Poe ang resulta ng latest survey ng SWS at sinabi nito na kailangan pa niyang mag-ikot at ipabatid sa mga mamayan ang kanyang plataporma de gobyerno.
Sinabi naman ng kampo ni Vice President Jejomar Binay na mas pagiigtingin pa ng bise presidente ang pangangampa.
Umaasa rin ito na maipapakita rin ng survey results ang tunay na sentimyento ng tao na ipinapakita umano sa bawat campaign sorties na kanilang isinasagawa.
(Darlene Basingan/UNTV NEWS)