Guimaras Island, isinailalim sa state of calamity dahil sa matinding pinsala ng El niño phenomenon

by Radyo La Verdad | March 14, 2016 (Monday) | 3232

EL-NINO
Problemado ngayon ang ilang residente sa probinsya ng Guimaras dahil sa nalalanta nilang taniman sanhi ng masidhing epekto ng El Niño phenomenon.

Sa ulat ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council, umaabot na sa mahigit P120 million ang halaga ng pinsala sa agrikultura matapos matuyo ang halos tatlong libong ektarya ng palayan.

Bumaba naman ang produksyon ng root crops, niyog, mais at saging.

Bunsod nito, isinailalim sa state of calamity ang buong probinsya ng Guimaras.

Dalawang milyong pisong pondo ang ilalabas ng lokal na pamahalaan para sa irigasyon, information dissemination, cash and food for work, assessment at water and food distribution sa mga apektadong lugar.

Tiniyak naman ng PDRRMO na nananatiling sapat ang supply ng bigas sa probinsya ngunit maari itong kulangin sa mga susunod na buwan dahil sa natutuyo na ring water source.

Sa ngayon ay patuloy nang pinag-aaralan ng lokal na pamahalaan ang mga hakbang na maaaring magawa upang masolusyunan ang epekto ng El Niño.

Ipinaliwanag naman ng PDRRMC na hindi maaaring magsagawa ng cloud seeding operation dahil maaapektuhan ang produksyon ng pamosong mangga ng Guimaras lalo’t nalalapit na ang pagdiriwang ng manggahan festival.

(Lalaine Moreno/UNTV NEWS)

Tags: ,