Mas mabisang flood control system sa buong Metro Manila inilunsad ng MMDA

by Radyo La Verdad | March 14, 2016 (Monday) | 1707

MACKY_FLOOD-CONTROL
Mas mapapakinabangan na ang Effective Flood Control Operation System o EFCOS pagdating ng tag-ulan.

Sakop ng EFCOS ang river system sa buong Metro Manila tulad ng Marikina River, Pasig River, Tulyahan River at iba pang mga ilog na syang madalas na pinagmumulan ng mga pagbaha

Sinimulan ang pagupgrade ng telemetry system at radio system nito noong 2014 sa ilalim ng memorandum of understanding na pinagkasunduan ng Japan International Cooperation Agency o JICA at ng MMDA

Naglaan ang JICA ng P74.7 million na donasyon para sa pag-upgrade ng telemetry equipments.

Ang karamihan ng telemetry equipments ay nakalagay sa mga bundok na malapit sa Metro Manila tulad ng sa Antipolo at Rizal province dahil dito nanggagaling ang tubig na umaapaw sa mga ilog tuwing tag-ulan.

Sinusukat ng telemetry equipment ang lakas ng ulan sa mga kabundukan na sya namang datos na inihahatid ng radio system sa sentro ng EFCOS.

Bukod dito ay nakakalat din sa buong Metro Manila ang warning posts, tutunog ang sirena nito bilang babala sa publiko kung may paparating na baha.

Ayon kay MMDA Chairman Emerson Carlos, mas maaasahan na ngayon ang EFCOS dahil upgraded na ito sa phase 3 kung saan isang oras bago bumaba ang tubig ulan mula sa mga bundok ay malalaman na kung gaano karaming tubig ang dadalhin nito pababa sa mga ilog ng Metro Manila.

Pinagaaralan pa ng MMDA ang pag-upgrade ng EFCOS sa phase 4 kung saan gagamit na ng doppler radar.

May kakayahan ang doppler radar na malaman kung gano kadaming tubig ulan ang ibabagsak ng ulap bago ito bumagsak.

Ikinatuwa naman ni National Disaster Risk Reduction and Management Council Sec Alexander Pama ang upgraded na system ng EFCOS, malaki anya ang maitutulong nito sa maagang pagbibigay babala sa publiko.

Subalit ayon kay Pama, mas mahalaga pa rin ang pagsunod at kooperasyon ng publiko tuwing may kalamidad upang maiwasan ang anumang sakuna.

(Macky Libradilla / UNTV Radio Correspondent)

Tags: , ,