2016 National Budget, tatalakayin na sa Mababang Kapulungan ngayong araw

by dennis | August 10, 2015 (Monday) | 1749
File photo: UNTVweb.com
File photo: UNTVweb.com

Magsisimula nang talayakin ngayong araw sa House committee on appropriations ang panukalang P3.002 trillion national budget para sa 2016.

Nakabantay rin ang mga corruption watchdog ngayong araw dahil sa umano’y P500 billion na lump sum fund na maaari umanong gamiting pondo para sa makinarya ng administrasyon sa susunod na eleksyon.

Pangungunahan ni Davao City Rep. Isidro Ungab ang deliberasyon sa pamamagitan ng isang budget briefing ng mga miyembro ng Development Budget Coordinating Committee (DBCC), isang inter-agency body na siyang tumutukoy ng mga economic target, expenditure at pondo ng mga ahensya ng gobyerno.

Ayon kay House Speaker Feliciano Belmonte Jr., bubusisiing maigi ng mga mambabatas sa Mababang Kapulungan ang proposed budget para matiyak na mapupunta sa tama ang pera ng taumbayan.

Sa 2016 national budget, P1.1059 billion dito ang mapupunta sa social services o 36.8 percent ng national budget. P829.6 billion naman ang ilalaan para sa mga programang pang-ekonomiya o 27.64 percent ng panukalang budget.
P517.9 billion naman ang ilalaan para sa general public services, P419.3 billion para sa pambayad ng pambansang utang, habang P392.8 billion naman ang ilalaan para sa pambayad ng interes.

Samantala, nasa P129.1 billion naman ang mapupunta para sa sandatahang lakas para sa modernisasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Pero ayon kay dating national treasurer Leonor Briones, lead convenor ng Social Watch Philippines, may nakita silang kahina-hinalang item sa panukalang budget partikular ang P500 billion lump sum, special purpose funds at un-programmed funds na tanging si Pangulong Aquino lamang ang makakagamit at magdedesisyon kung saan ito ilalaan.

Dagdag pa ni Briones, maaaring gamitin ang mga naturang pondo para maisulong ang kandidatura ng mga lalahok sa hanay ng adminstrasyon sa 2016 national elections.