2016 National Budget, nilagdaan na ni Pangulong Aquino; DEPED at DPWH, nakakuha ng pinakamalaking pondo

by Radyo La Verdad | December 22, 2015 (Tuesday) | 6330

JERICO_PNOY
Nilagdaan na ni Pangulong Benigno Aquino III ang P3.002T 2016 General Appropriations Act o GAA sa Malacañang.

Nakakuha ng pinakamalaking bahagi ng National budget ang Department of Education na may P436.5B. Ikalawa ang Department of Public Works and Highways o DPWH na may P400.4Billion, ikatlo ang Department of National Defense na may P175.2 B, ikaapat ang Department of Interior and Local Government o DILG na may P154.5, ikalima ang Department of health na may P128.5B, ikaanim ang Department of Social Welfare and Development na nakakuha ng P111 B, ikapito ang Department of Agriculture na may P94B, ikawalo ang Department of Transportation and Communications o DOTC na may P48.5B, ikasiyam ang Department of Finance na may P33.2B, at ikasampu ang Department of Environment and Natural Resources o DENR na may P24.8 billion.

Sa talumpati ng Pangulong Aquino, sinabi nito na ito ang ikaanim na sunod na taon na naipasa ang budget ng bayan sa tamang oras.

Hindi aniya gaya noong nakaraang administrasyon na laging reenacted ang budget tulad na lamang aniya noong 2007 na halos Abril na nang maaprubahan ito.

Binigyang diin ng Pangulo na hindi dapat madelay ang pagpasa ng budget dahil nauudlot aniya ang serbisyo at napapatagal aniya ang paghihirap ng taumbayan.

Sa ilalim ng kaniyang administrasyon, naalis na aniya ang mga mekanismong nagpapadali sa pagwawaldas ng kaban ng bayan.

Ang bahagi aniya ng pondo ng DEPED ay para sa pagpapatayo ng 47,553 classrooms, pagbili ng 103.2 million bagong textbooks at pag-hire ng 79,691 positions para sa teaching at non-teaching personnel.

Sa susunod na taon, target nam aniya ng kaniyang administrasyon ang 5% ng GDP sa sektor ng imprastraktura mula sa 4% lamang noong nakaraang taon.

Ang budget aniya ng DPWH ay makakatulong para suportahan ang pagtatapos ng lahat ng national roads at ang pagpapagawa ng flood control projects.

“Ang buong budget gaya sa imprastraktura ay binubuo gamit ang masusing pag-aaral ng mga suliranin at ng kaakibat nitong wastong solusyon. Ang bawat ipinapatayong kalsada, tulay, daungan, paliparan, paaralan, farm-to-market roads, at iba pang imprastraktura sa iba’t ibang bahagi ng bansa ay bahagi ng ating estratehiya tungo sa malawakang kaunlaran. Wala nga ho sigurong makakapagsabi, habang nakapatong ang kamay sa Bibliya, na pinabayaan natin ang kanilang siyudad o probinsiya.” pahayag ng Pangulo.

Sa pondo naman ng DSWD, P62.7B ang nakalaan para sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program na mapapakinabangan ng 4.6 milyon na kabahayang benepisyaryo kabilang na aniya ang 218,000 na pamilyang hindi naisama sa listahan noong 2008 hanggang 2009.

Ibig aniya ng Pangulo na hindi na maipasa sa susunod na administrasyon ang mga problemang dinatnan nang kaniyang pamamahala.

“Ngayong patapos na ang ating termino, binibigyan natin ng kapasidad ang susunod na administrasyon na ipagpatuloy at higit pang maisulong ang pagbabagong nangyayari sa ating lipunan. Nakasaad nga po sa mga pahina ng librong ito ang matino at maayos na detalye upang tugunan ang pangangailangan sa susunod na taon. Ang hangad po natin: Huwag nang ipasa sa iba ang minana nating problema.” pahayag ng Pangulo.

(Jerico Albano / UNTV Correspondent)

Tags: , , , ,