Mas maunlad na AFP, sasalubong sa 63 PMA Graduates – Pangulong Aquino

by Radyo La Verdad | March 13, 2016 (Sunday) | 2480
Photo Credit : Malacañan
Photo Credit : Malacañan

Sa huling pagkakataon pinangunahan ni Pangulong Benigno Aquino III ang pagtatapos ng 63 na kadete ng Philippine Military Academy, itinaas nito ang morale ng grupo dahil sa mga pagbabago sa Sandatahang Lakas ng Pilipinas.

Sa mensahe ng Pangulo sa 111th Commencement Exercises ng “Gabay-Laya” Class of 2016, mismong ang mga ito na aniya ang makakaalam kung paanong umunlad ang kakayahan ng Sandatahang Lakas.

“Sa pagpasok ninyo sa serbisyo, kayo na mismo ang makakaalam kung ano na ang mga kakayahan natin. Yung mga nauna naman sa inyo, pihadong iisa ang sentimyento: Buti pa kayo dahil isang mas maunlad na AFP ang papasukan ninyo.” Pahayag ng Pangulo.

Katunayan aniya nito ang bagong FA-50 fighter jets na nabili mula sa South Korea.

Nasa 68 big ticket projects na din aniya ang nakumpleto ng kaniyang administrasyon na nagkakahalaga ng P58.43 billion.

Pahayag pa ng Pangulo, hindi lang nito masabi ang detalye ng lahat ng ginagawang modernisasyon dahil sa usapin ng pambansang seguridad.

“Tandaan lang po natin: May usapin dito ng pambansang seguridad, at sa tuwing binabanggit natin ang ating mga bagong kakayahan, para na rin nating tinukoy sa mga kalaban ng Estado kung ano ang dapat nilang paghandaan.” Diin ng Pangulo.

Samantala, nagpaalaala naman ang Pangulo sa mga bagong opisyal na maging neutral o huwag makikihalo sa usapin sa pulitika.

Ito ay dahil minsan na rin aniyang nangyari sa kasaysayan na kinasangkapan ang hanay ng mga ito para sikilin ang demokrasiya at maipatupad aniya ang kagustuhan ng iisang pamilya.

Ang nasabing grupo ang pinakamaliit na batch ng nagtapos sa PMA mula noong 1960.

Magsisilbi itong junior officers ng Philippine Navy, Air Force, at Army ng AFP.

(Jerico Albano/UNTV Radio Correspondent)

Tags: ,