Mabilis na tinupok ng apoy ang nasa walumpung bahay sa Block 34 Addition Hills sa Mandaluyong City bandang alas dos ng hapon kahapon.
Pito ang naiulat na nagtamo ng minor injuries habang higit dalawang daang pamilya naman ang naapektuhan sa sunog. Karamihan sa kanila, halos walang naisalbang gamit. Umabot sa third alarm ang sunog na tuluyang naapula bandang alas tres y medya ng hapon.
Ayon sa Bureau of Fire and Protection (BFP), tinatayang aabot sa tatlong daang libong piso umano ang halaga ng pinsala ng sunog.
Nagsilbi namang evacuation center ng mga apektadong residente ang covered court ng katabing barangay.
Bagaman binigyan ang mga ito ng lokal na pamahalaan ng mga banig, pagkain at tubig, nais ng mga evacuee na magkaroon sila ng kaayusan sa lugar.
Kaya naman hinihiling ng mga apektadong pamilya sa local government na maglaan rin ng modular tents para sa kanila na kahalintulad ng ginamit sa Marikina, Makati at Barangay Bagong Silang sa Quezon City noong kasagsagan ng habagat.
Makakatulong anila ito upang mahiwalay ang bawat pamilya lalo yung may mga dinaramdam na sakit.
Ayon naman sa kawani ng barangay, wala pa umanong abiso sa kanila kung mapagbibigyan ang hiling ng mga residente.
Sa ngayon anila ay sisikapin nilang mabigyan ng pagkain at tulong pinansyal ang mga ito na mula naman sa local government.
Posibleng manatali pa ng higit dalawang linggo dito ang mga pamilyang naapektuhan ng sunog.
( Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent )