20-meter easement zone policy, pinag-aaralan ng DENR, DOT at DILG na ipatupad sa El Nido

by Radyo La Verdad | November 29, 2018 (Thursday) | 13496

Hindi kumbinsido sina Department of Environment and Natural Resources (DENR) Sec. Roy Cimatu, Department of Tourism (DOT) Sec. Berna Romulo-Puyat at Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Eduardo Año sa 3-meter easement zone policy na kasalukuyang ipinatutupad dito sa El Nido. Masyado pa rin umanong malapit ang mga establisimiyento sa dagat.

Sa mga unang panayam ng UNTV News kay El Nido Municipal Mayor Nieves Rosento, ito ang kanyang paliwanag kung bakit 3-meter easement policy ang kanilang ipinatutupad.

“Ito ang PD 1067 na if you are in urban areas, 3 meter easement from the highest water mark in 20 meters if you are not in urban areas.”- pahayag ni El Nido Mayor Nieves Rosento.

Anti-poor naman umano ang panukalang 20-m easement zone ayon kay Cottages, Resorts and Restaurants Association of El Nido President Henri Fernandez dahil marami ang mga establisimiyento na maaapektuhan.

Ipaglalaban aniya nila ang kanilang karapatan dahil may mga hawak silang titulo ng kanilang mga lupa kaya hindi sila maaaring paalisin.

Samantala, pinuntahan rin ng tatlong kalihim ang una nang naibalita ng UNTV News na kanal na umaagos diresto sa dagat sa Barangay Buena Suerte at dismayado si Sec. Cimatu sa kanyang nakita.

Sa lugar na ito sa Barangay Buena Suerte bumagsak sa water quality ang El Nido. Mula sa normal level na 100, ang lugar na ito ay may 1,300 fecal and coliform content. Maruming-marumi pa rin ang paligid, maraming lumot at may amoy ang tubig.

Nangako naman ang alkalde na agad itong gagawan ng aksyon.

Samantala, ipinag-utos din ni Sec. Cimatu na dapat 100 meters ang layo ng mga bangka sa pampang para magkaroon ng swimming area sa beach.

 

( Grace Casin / UNTV Correspondent )

Tags: , ,