2 Supply Boats ng Pilipinas binomba ng water canon ng Chinese Coast Guard – DFA

by Radyo La Verdad | November 18, 2021 (Thursday) | 4081

METRO MANILA – Mariing kinondena ng pamahalaan ng Pilipinas ang ginawang pagharang at pambobomba ng tubig ng 3 Chinese Coast Guard vessels sa 2  Filipino supply boats na maghahatid ng pagkain sa mga sundalo sa bahagi ng Ayungin Shoal (Second Thomas Shoal) nitong Nobyembre 16, 2021.

Ayon kay Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Teodoro Locsin Jr. ipaparating niya kay Chinese Ambassador Huang Xilian at sa Ministry of Foreign Affairs ng Beijing ang pagkagalit at pagkondena at pagprotesta sa nangyaring insidente.

Binigyan diin ni Secretary Locsin na ang Ayungin Shoal ay bahagi ng Kalayaan Island Group at isa ito sa makasaysayang parte ng Pilipinas kaya naman sakop ito ng sovereign rights at jurisdiction ng bansa.

Dagdag ng kalihim na ang mga gawaing ito ng Chinese Coast Guard ay “illegal” at ang China ay walang karapatan sa pagpapatupad ng batas sa loob at paligid ng mga lugar na ito at kailangan nitong lisanin ang lugar.

Samantala sinabi ni Secretary Locsin na ang gobyerno ng Pilipinas ay magpapatuloy sa pagbibigay ng suplay sa mga tropa nito sa Ayungin Shoal.

(Jeth Bandin | La Verdad Correspondent)

Tags: