2 sa mga nakasalamuha ng babaeng may Zika, nagpositibo rin sa virus

by Radyo La Verdad | September 13, 2016 (Tuesday) | 1123

sec-ubial
Kinumpirma ngayon ng Department of Health na dalawa sa mga nakasalamuha ng babaeng una ng nagpositibo sa Zika ay apektado na rin ng virus.

Sa pahayag kanina ni Health Secretary Paulyn Jean Ubial, inihayag nito na dalawa sa mga kasambahay ng unang pasyente ang nahawa ng virus, matapos ang isinagawang pagsusuri ng Research Institute for Tropical Medicine sa mga ito.

Ayon sa DOH, tanging skin rashes lamang ang nakita nilang sintomas sa dalawang pasyente, di tulad ng naunang pasyente na nakaranas ng skin rashes, pananakit ng kalamnan at pamumula ng mga mata.

Subalit nilinaw naman ng DOH, na wala sa mga ito ang nagdadalang tao.

Sa ngayon ay nakarecover na ang mga ito mula sa kanilang mga sintomas, kaya naman hindi na ito kailangan pang i-confine sa ospital.

Muli namang umapela ang DOH sa mga lokal na pamahalaan na gawin ang ibayong mga hakbang upang linisin ang mga lugar na pinamumugaran ng mga lamok na siyang pinagmumulan ng iba’t-ibang uri ng sakit.

Tags: ,