Hiniling ng dalawang pulis-Caloocan na i-dismiss ng Department of Justice ang mga reklamong isinampa sa kanila kaugnay ng pagpatay kina Carl Angelo Arnaiz at Reynaldo de Guzman alyas Kulot.
Nanindigan sina PO1 Jeffrey Perez at PO1 Ricky Arquilita na napatay sa lehitimong police operation si Carl matapos itong manlaban. Batay sa kanilang counter affidavit, nagpapatrolya umano sila sa kahabaan ng C-3 Road, alas tres y medya ng madaling araw noong August 18 nang nilapitan sila ng taxi driver na si Tomas Bagcal.
Nagsumbong umano ito tungkol sa panghoholdap sa kaniya ni Carl at positibong itinuro ang binatilyo. Nang komprontahin, nagpaputok ng baril si Carl kayat gumanti sila na nagresulta sa pagkamatay nito.
Ngunit iba ang bersyon ni Bagcal sa kanyang kontra-salaysay. Sumakay umano sa kaniyang taxi ang dalawang binatilyo sa Pasig City at nagpahatid sa 5th Avenue Caloocan at pagdating doon ay nagdeklara ng holdap. Sa tulong ng isang traysikel driver na nakapansin sa komosyon ay nahuli umano nila ang dalawa at itinurn over sa pulis.
Gawa-gawa lamang aniya ng mga pulis ang kwentong nanlaban si Carl dahil nakita niyang nakaluhod ito nang barilin. Itinatanggi rin ni Bagcal ang laman ng sinumpaang salaysay na una niyang ibinigay sa mga pulis.
Itutuloy sa Lunes ang preliminary investigation upang masagot naman ng Public Attorney’s Office ang kontra salaysay ni Bagcal at ng mga pulis.
Nahaharap ang tatlo sa mga reklamong double murder, torture at pagtatanim ng ebidensiya.
( Roderic Mendoza / UNTV Correspondent )