2 pulis Caloocan, idiniin ng taxi driver at isa pang witness sa pagpatay kay Carl Angelo Arnaiz

by Radyo La Verdad | October 3, 2017 (Tuesday) | 7022

Humarap sa pagdinig ng senado kahapon ang taxi driver na umano’y hinoldap nina Carl Angelo Arnaiz at Reynaldo de Guzman alyas “Kulot” noong madaling araw ng August 18.

Ayon kay Tomas Bagcal, sumakay ang dalawa sa highway ng Navotas City bandang ala una ng madaling araw, ilang minuto ang makalipas ay nagdeklara ito ng holdap.

Ngunit sa tulong ng isang tricycle driver na nakapansin sa komosyon sa loob ng sasakyang ay nagawa nilang dalhin ang mga ito sa prisinto upang i-turn over sa mga pulis.

Ngunit sa halip na isasalim sa proseso ang mga ito,  isang “Sir Lakay” ang tila nag-uutos sa kasama niyang mga pulis kung saan dadalhin ang dalawa.

Ayon sa taxi driver, nakarating sila sa C3 at dito na umano binaril ng mga pulis si Arnaiz.

Isang alyas Joe Daniel na umano’y nakakita sa pangyayari ang lumutang din sa pagdinig.

Sa kabila nito, ayon kay Senator Panfilo Lacson, may kailangan pa ring linawin ang prosekusyon sa naging pahayag ng dalawang testigo.

Kapwa itinuro ng dalawa sina PO1 Jeffrey Perez at PO1 Ricky Arquilita na siyang bumaril kay Arnaiz.

Tumanggi namang magsalita sa pagdinig ang dalawa at i-ninvoke ang right to self-incrimination.

Ayon kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre, bago matapos ang Oktubre ay makakapaglabas na sila ng resolusyon sa kaso ni Kian Delos Santos.

Sisimulan na rin aniya nila ang preliminary investigation sa kaso ni Arnaiz at alyas Kulot sa susunod na linggo.

 

( Nel Maribojoc / UNTV Correspondent )

 

 

 

Tags: , ,