2 Pilipinong naka-quarantine sa New Clark City, nagnegatibo sa COVID-19 – DOH

by Erika Endraca | February 13, 2020 (Thursday) | 1510
PHOTO COURTESY

METRO MANILA – Isinugod sa Jose B. Lingad Memorial General Hospital sa San Fernando, Pampanga ang 2 repatriate sa New Clark City noong Martes matapos magka- diarrhea ang 1 taong gulang na batang lalaki at 34 na taong gulang na babae.

Ayon sa Department Of Health (DOH), hindi man pangkaraniwang sintomas ang diarrhea o pagtatae ay isinailalim pa rin sila sa test upang makasiguro.

Subalit kahapon (Feb. 12) nagnegatibo na ito sa Coronavirus Disease (COVID- 19) at nakabalik na rin sa quarantine facility.

“In this case the patients have not manifested cough and fever but since the test came out we were informed they’re negative.”ani Department Of Health Spokesman, USec. Eric Domingo.

2 beses sa loob ng isang araw chine-check ang vital signs, body temperature at kondisyon ng mga repatriate sa New Clark City upang matiyak na walang sintomas ng COVID-19 ang mga ito.

Paliwanag ng DOH, lahat ng mga nasa NCC mula sa Wuhan City, Hubei Province China ay ikinokonsiderang Persons Under Monitoring (PUM) hangga’t walang nakikitang sintomas sa mga ito.

Kapag nakitaan naman sila ng sintomas ay dadalhin sila sa mga health facility at kapag napatunayang positibo ang mga ito sa Coronavirus Disease ay mapapabilang sila sa mga Patients Under Investigation (PUI) sa Pilipinas . Sa ngayon umabot na sa 408 ang bilang ng mga PUI sa bansa at nanatiling 3 ang kumpirmadong kaso.

(Aiko Miguel | UNTV News)

Tags: