2 patay, 66 sugatan sa pananalasa ng Typhoon Nepartak sa Taiwan

by Radyo La Verdad | July 8, 2016 (Friday) | 3686
Pananalasa ng Typhoon Nepartak sa Taiwan(REUTERS)
Pananalasa ng Typhoon Nepartak sa Taiwan(REUTERS)

Malaking pinsala sa mga ari-arian ang iniwan ng Super Typhoon Napertak sa Taiwan kung saan ito nag-landfall kaninang umaga.

Bagama’t bahagyang humina matapos mag-landfall sa lungsod ng taitung, matinding ulan pa rin ang bumubuhos sa taiwan na pinangangambahang magdulot ng baha at landslides.

Dalawa na ang naitalang nasawi habang 66 ang sugatan sa pananalasa ng bagyo sa bansa.

Naparalisa rin ang transportasyon at pansamantala ay isinara ang mga paaralan at tanggapan.

Maging financial markets ay na-shutdown.

Kanselado ang mga local flights ng eroplano habang 365 na international flights naman ang apektado, sa dalawang pangunahing paliparan ng Taipei.

Maraming mga bahay at gusali ay natuklap ang mga bubong at mga sasakyang bumaligtad matapos tangayin ng malakas na hangin.

Samantala batay sa ulat, naibalik na ang supply ng kuryente sa mahigit 130 libong bahay, subalit mayroon pang mahigit 150 libo ang wala pa ring kuryente.

Naibalik na rin ang supply ng malinis na tubig sa mahigit 2 libo 500 bahay sa mga apektadong lugar.

Samantala nagpahayag ang Kaohsiung City Government at ilang lugar sa Taipei na wala ng pasok sa mga opisina at mga paaralan sa siyudad bukas.

Batay sa pahayag ni Atty.Mario Molina wala naman silang natanggap na ulat na Pilipinong nasaktan o nasawi dahil sa bagyo.

Sa kasaysayan ng Taiwan, ang Typhoon Nepartak na ang pinakamalakas na bagyo na naglandfall sa bansa sa loob ng apat limang taon.

Bukas ng umaga ay inaasahan ang pangalawang landfall ng Bagyong Butchoy sa China.

(Amiel Pascual / UNTV Correspondent)

Tags: , , ,