2 patay, 4 sugatan sa landslide Taytay, Rizal

by Radyo La Verdad | September 13, 2017 (Wednesday) | 12303

Natutulog ang pamilya Pundal sa kanilang bahay sa barangay Dolores Taytay, Rizal nang gumuho ang lupang kinatatayuan nito noong Martes ng gabi. Patay ang dalawa anak ni mang Jun na sina Jude Pundal, 18 anyos at Justine Pundal, 14 anyos.

Sugatan naman sa insidente ang dalawa pang anak ni mang Jun at ang kaniyang asawa na agad isinugod sa Taytay Emergency Hospital.

Ayon sa Rizal Disaster Risk Reduction and Management Council, gabi pa lamang ay pinai-evacuate ang mga residente sa tabi ng sapa na itinuturing aniyang landslide prone area.

Samantala, dead on the spot ang dalawang buwang gulang na sanggol nang matrap sa loob ng kanilang bahay matapos gumuho ang pader ng katabing Mt. Carmel Hospital sa Lucena City. Tatlo naman ang nasugatan dahil sa insidente.
Binaha rin ang iba pang lugar sa Luzon Region dahil sa tuloy-tuloy at malakas na buhos ng ulan na dala ni bagyong Maring.

Sa bayan ng Noveleta, Cavite umapaw ang ilang-ilang river na naging sanhi upang malubog sa hanggang dibdib na tubig baha sa mga pangunahing lansangan sa syudad.

Sa Batangas, nakaranas rin ng pagbaha ang bayan mga bayan ng Malvar, Bauan, San Pascual at Batangas City dahil sa malalakas na buhos ng ulan. Umabot sa tatlongdaan pamilya ang inilikas sa mga evacuation centers.

Sa Laguna, hanggang bewang na tubig baha naman ang naranasan sa ilang barangay sa San Pedro at Biñan Laguna kahapon ng umaga.

Umapaw rin ang ilog sa Biñan habang malapit na sa kritikal level ang mga ilog sa lalawigan partikular na sa bayan ng Sta Rosa, Calamba , Sta. Cruz, Bae at Pagsanjan Laguna.

 

(Mirasol Abogadil / UNTV Correspondent)

 

 

 

Tags: , , ,