2 patay, 15 sugatan matapos mahulog sa bangin ang pampasaherong bus sa Atimonan, Quezon

by Radyo La Verdad | March 14, 2018 (Wednesday) | 3138

Nahirapan ang mga rescuer na agad na mailabas ang mga sugatan sa nakataob na bus na ito dahil nakasabit lang sa puno ang unahang bahagi nito at  posibleng mahulog muli sa bangin.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Atimonan police, nabangga ng truck na minamaneho ng isang Flacielito Abalos ang likurang bahagi ng Philtranco bus, dahilan upang mawalan ng kontrol ang bus at mahulog sa bangin na may lalim na apat na pung talampakan sa Atimonan, Quezon.

Nakatalon naman ang driver ng trailer truck bago ito bumangga sa kasunod na ten wheeled truck.

Dalawa ang patay habang labing lima naman ang sugatan insidente. Kinilala ang dalawang nasawi na sina Juan Manuel Bron III, 28 anyos na conductor/driver Philtranco bus at Lorenzo Lesano, 52 anyos na pasahero ng bus.

Dinala sa Quezon Medical Center sa Lucena City at Doña Martha Hospital sa Atimonan ang labing lima na sugatan.

Nahaharap naman sa kasong reckless imprudence resulting in homicide and physical injuries si Abalos na nasa kritikal na kondisyon sa Quezon Medical Center.

 

( Japhet Cablaida / UNTV Correspondent )

Tags: , ,