2 patay, 11 bayan sa Antique, apektado ng sakit na filariasis- DOH

by Radyo La Verdad | July 21, 2016 (Thursday) | 1414

ANTIQUE
Nababahala ang Department of Health sa dumaraming kaso ng lymphatic filariasis sa Antique.

Sa kanilang tala, 29 na ang napaulat na kaso sa labing-isang bayan ng Antique at dalawa sa mga ito ang nasawi.

Ang sakit na lymphatic filariasis ay nakukuha mula sa kagat ng lamok na aedes poecilus na carrier ng microfilaria parasite.

Kabilang sa mga sintomas nito ay elephantiasis o paglaki ng ilang bahagi ng katawan kung saan naiipon ang parasite, partikular na sa lymph vessels.

Gayunman, hindi agad lumilitaw ang sintomas ng sakit kaya hindi agad nalalaman ng isang tao na mayroon na pala siyang filariasis.

Kung nakakaramdam naman ng panghihina, pananakit ng kamay, paa, ulo at suso, payo ng mga eksperto na magpa-complete bloodcell count o CBC upang malaman kung may microfilarial infection.

Uminom din ng diethyl carbamazine citrate na libreng makukuha sa health centers.

Wala pang gamot ang lymphatic filariasis ngunit gumagawa na ang DOH ng mass drug administration sa Antique, lalo na sa mga kabataan.

Target din ng DOH na gawing filariasis-free ang Antique pagsapit ng taong 2020.

(Lalaine Moreno/UNTV Radio)

Tags: ,