METRO MANILA – Inaprubahan ng House of Representatives nitong May 29 ang 2 panukalang batas na tutugon sa masamang epekto ng pagbabago ng klima sa pamamagitan ng rehabilitasyon at konserbasyon ng mga pangunahing mapagkukunan ng pangangailangan.
Pumasa na may 268 na boto ang House Bill 8204 na papangunahan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR). Naglalayon itong pahusayin ang konserbasyon at papanumbalikin ang mga peatlands, na ayon kay House Speaker Martin Romualdez ay mga wetland ecosystem na may akumulasyon ng mga nabubulok na plant materials, permanenteng water logging at vegetation gaya ng mga puno, damo at lumot.
Ang pamamaraan na ito ay isang natural na solusyon dahil ang peatland ay maituturing na carbon sinks, mas maraming carbon ang kinikuha nito kaysa sa inilalabas.
Kasama rin sa inaprubahan ng Kamara na may 284 na boto ang House Bill 7754 na naglalayong papanumbalikin ang mga inabandonang fishpond o mga hindi na nagamit sa loob ng 3 taon, at aktibong itataguyod ang reforestation sa mga lugar na maaaring taniman ng mga puno.
Sa batas na ito, babawasan mula 5 taon hanggang 3 taon ang panahong kailangan para muling magtanim ng hindi nagamit o inabandunang mga palaisdaan na amyenda sa Seksyon 43 ng Presidential Decree 705 o ang “Revised Forestry Code of the Philippines.”
(Andrei Canales | La Verdad Correspondent)
Tags: House of Representative