Dalawang opisyal ng Office of the Presidential Adviser on the peace process ang tinanggal sa pwesto ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ay sina OPPAP Undersecretary for Support Services and National Program Manager of Pamana Ronald Flores at Director Yeshter Donn Baccay.
Ayon sa Pangulo, dahil ito sa isyu ng katiwalian, ngunit hindi na tinukoy kung ano ang ginawa ng mga ito. Ginawa ng Pangulo ang pahayag sa inagurasyon ng Bohol-Panglao International Airport kahapon.
Sinabi rin ng Pangulo na dahil sa isyu ay naghain ng kaniyang resignation bilang OPAPP chief si Secretary Jesus Dureza, na kanya namang tinanggap.
Sa isang pahayag, sinabi ni Dureza na inaako niya ang responsibilidad ng umano’y korupsyon sa loob ng OPPAP.
Ikinalulungkot umano niya na sa kabila ng kanyang masidhing kampanya kontra katiwalian ay bigo siyang masawata ito sa loob ng ahensya.
Boluntaryo aniya ang kanyang pagbibitiw sa pwesto upang bigyang-daan ang nararapat na re-organization na kailangang magawa ng Pangulo sa OPPAP.
Nito lamang Hulyo ay itinalaga rin ni Pangulong Duterte si Dureza bilang special envoy sa European Union na nakatakdang matapos sa ika-31 ng Disyembre.
Ang pagbibitiw sa pwesto ni Dureza ay nataon sa gitna ng pagsusumikap ng pamahalaan na isalba ang peace talks sa Moro rebels.
Muli namang nagbanta ang Pangulo na tatanggalin niya sa pwesto ang ilan pang mga opisyal ng gobyerno sa susunod pang mga araw.
( Joan Nano / UNTV Correspondent )