2 Miyembro ng gabinete ni Pangulong Duterte, iniimbestigahan dahil sa alegasyon ng katiwalian – PACC

by Erika Endraca | August 15, 2019 (Thursday) | 25181
PHOTO: YAHOO News Philippines

MANILA, Philippines – Nakatanggap ng reklamo ang Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) laban sa 2 kasalukuyang miyembro ng gabinete ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Simula noong Pebrero, sinimulan nang imbestigahan ng PACC ang mga opisyal na ito dahil sa alegasyon ng katiwalian. Ayon kay Presidential Anti-Corruption Commissioner Grego Belgica, alam ng 2 cabinet secretary na sila ay iniimbestigahan.

Nakarating na din sa pangulo ang impormasyon hinggil sa ginagawang imbestigasyon ng ahensya sa 2 kalihim. Gayunman, tumanggi na ang commissioner na ihayag sa publiko kung sino ang mga ito.

“Ang investigation kasi doesn’t mean they are already guilty, so it’s unfair to mention them and make it appear na they are corrupt” ani PACC Commissioner, Greco Belgica.

Malapit nang matapos ang imbestigasyon ng PACC sa mga ito at oras na maisumite sa tanggapan ng punong ehekutibo, si Pangulong Duterte na ang bahalang magdesisyon kung ano ang gagawin sa dalawang cabinet member.

Samantala, umaasa naman ang PACC na mas maraming bilang ng cabinet members ang magkukusang isumite ang kanilang sarili sa life-style check.

Nauna na ng nagsumite sina transportation Secretary Arthur Tugade at Mindanao Development Authority Chief at Dating Agriculture Secretary Emmanuel Piñol.

“Hopefully mayroon pa pong mag-volunteer na iba that will be honorable on their part to do” ani PACC Commissioner, Greco Belgica.

Batay naman sa record ng PACC, nasa 200 kawani at opisyal ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan ang kanilang iniimbestigahan dahil sa isyu ng katiwalian.

Ilan dito ay mula sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), Bureau Of Customs (BOC), Bureau of Internal Revenue (BIR), Department Of Public Works And Highways (DPWH), Department Of Environment And Natural Resources (DENR), at Department of Transporation (DOTr).

Nasa 2 hanggang 3 buwan naman ang maaring abutin nang isinasagawang imbestigasyon ng PACC sa PCSO kaugnay ng katiwalian sa Small Town Lottery (STL)  at iba pang gaming activities.

(Rosalie Coz | Untv News)

Tags: , , , , , ,