2 milyong pisong halaga ng shabu, nakumpiska sa drug suspect sa Lipa City

by Radyo La Verdad | May 21, 2018 (Monday) | 3571

Sa bisa ng search warrant, sinalakay ng Regional Special Operations Unit ng Calabarzon police ang bahay ni Marcial Orbigoso sa Brgy. Pangao, Lipa City Batangas kaninang umaga.

Nasabat ng mga otoridad sa operasyon ang mahigit tatlong daang gramo ng iligal na droga na nakalagay sa isang vault kasama ang isang kalibre kwarenta’y singkong baril at ilang drug paraphernalia.

Nagkakahalaga ng dalawang milyong piso ang nakumpiskang iligal na droga. Dati na ring nakulong si Orbigoso dahil sa pagtutulak ng ipinagbabawal na gamot.

Ayon kay Region 4A Police Director Guillermo Eleazar, itinuturing na high value target ang suspek na nag ooperate sa Makati City at Batangas.

Samantala, patay sa pamamaril ang nanalong barangay captain ng Busu-Busu Laurel, Batangas kaninang umaga.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Batangas PNP, nagtungo ang biktimang si Demetrio Mendoza de Omampo sa kanyang lupain sa San Jose, Batangas nang biglang lapitan at barilin ng riding in tandem criminals.

Naisugod pa sa pagamutan ang biktima subalit idineklara na itong dead on arrival.

Ito na ang ikatlong ambush na kay Demetrio Mendoza de Omampo.

 

( Vincent Octavio / UNTV Correspondent )

Tags: , ,